Ama ng tahanan, haligi ng pamilya o padre de pamilya. Ano nga ba ang mga reponsibilidad na kaakibat ng mga katagang ito? Si Ina naman ang ilaw ng tahanan. Paano kaya kung nabaliktad ang kanilang mundo? Si nanay ang magtra-trabaho at si tatay naman ang magsisilbing ilaw sa tahanang iiwan ni nanay.
Kasabay ng pag-ikot ng mundo ay ang mga pagbabago sa mga bagay na atin nang kinagisnan o kinasanayan. Tulad ng pangkaraniwang setting ng isang pamilya, nagbabago na rin. Kung dati ang ama lang ang nagtratrabaho, at ang ina ang nag-aalaga sa mga bata at naglilinis ng bahay, ngayon, pwede ng pareho sila ang nagtratrabaho, o kaya naman ay ang nanay na lamang ang nagbabanat ng buto at ang tatay naman ang nangangasiwa sa bahay.
Sa nakagisnan nating pamumuhay si ama ang nagtratrabaho para mabuhay ang kanyang pamilya, siya ang nasusunod at nagpapasya. Sa kabilang dako ay tungkulin niyang pakainin, bigyan ng matitirahan at pag-aralin ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Kaya siya ang nagtatrabaho at kumikita ng pera. Ang ina naman ang bahala sa bahay at sa pag-aalaga ng mga bata. Siya ang humahawak ng pera ng pamilya at pinagkakasya ito sa pangangailangan ng pamilya. Ang mga anak naman ay may responsibilidad rin. Sagutin nila ang mahusay na pag-aaral at ang pagtulong sa bahay.
Sa kasalukuyan, maraming ina ng tahanan ang ngayon ay aktibong katuwang ng kanilang mga ama sa paghahanapbuhay o kung minsan pa, ay mag-isang bumubuhay sa kanyang pamilya. Unti-unti ng natatanggap na si tatay ang gumagawa ng responsibilidad na naiiwan ni nanay habang siya na ang nagbabanat ng buto para sa pamilya. Dahil dito, ang mga inang nanunungkulan sa labas ng tahanan ay umaasa sa kanilang asawa upang makatuwang sa mga gawaing bahay tulad ng paglilinis, paglalaba at pag-aalaga ng kanilaang mga anak.
Ang tawag sa mga lalaking ganito ang kinahinatnan ay “House Husband”. Hindi maipagkakaila na lalong dumarami ang mga lalaking ganito dahil na rin sa napakaraming oportunidad na ang ibinibigay sa mga babae, ang mga trabaho na dati ay sa mga lalaki lang ibinibigay ay naibibigay na din sa mga kababaihan kaya lalong nawawalan ng oportunidad ang mga kalalakihan.
Monday, April 2, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment