Muling makiisa sa muling pagdiriwang ng Earth Hour sa bansa na gaganapin sa Marso 26, 2011, araw ng Sabado. Hinihikayat ang lahat sa pagpapatay ng lahat ng kagamitang pinatatakbo ng kuryente gaya ng ilaw, telebisyon, electric fan, refrigirator at iba pa sa loob ng isang oras, mula sa ganap na ika-8:30 hanggang ika-9:30 ng gabi.
Ang Earth Hour ay isang pandaigdigang kaganapan sa pamumuno ng World Wide Fund for Nature o WWF. Layuning ng WWF na maitaas ang antas ng kamalayan ng lahat sa halaga ng pagkakaroon ng tamang aksyon na may kaugnayan sa pagbabago ng kalalagayan ng kapaligiran o climate change.
Nagsimula ang isang oras ng pagpapatay ng ilaw noong 2007 sa Sydney Australia na may humigit-kumulang na 2.2-milyong mamamayan. Mahigit sa 2,000 mga bahay at establimiyento ay sabay-sabay na pinatay ang kanilang mga ilaw sa loob ng isang oras, na ng sumunod na taon, ang pagpapatay ng ilaw ay naging isang pandaigdigang kaganapan ng sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw na tinatayang nilahukan ng maging sa 50-milyong katao mula sa 35 lumahok na bansa.
Naitala noong nakaraang taon ang may pinakamaraming bilang ng mga bansa na nakiisa sa naturang aktibidad na may layuning labanan ang climate change sa mundo. At ngayon ay patuloy na nanghihimok ang mga global event organizers ng bansang nais na makilahok sa nasabing kaganapan.
Panahon na upang magising ang lahat sa masamang maaring idulot ng climate change sa mundo. Mahalagang bigyan natin ng halaga ang mundong ating ginagalawan, makiisa tayo at isabuhay ang mga ito. Isang mundong malusog, isang mundong puno ng buhay, isang mundong para rin sa ating kinabukasan.
Wednesday, March 16, 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)