Thursday, November 10, 2011

sibling rivalry

Isa sa nakakagulat na balita ang kumalat bago sumapit ang araw ng undas hinggil umano sa pagkakabaril na naging sanhi ng pagkamatay ng anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr. na si Ramgen Bautista.

Ayon sa mga lumalabas na report ang tinuturong master mind ng pagkakamatay ni Ramgen ay ang kanyang mga kapatid. Bagama’t hindi pa napapatunayan ang tinuturong dahilan ng kanilang alitan o ang tinatawag na sibling rivalry. Ngunit ano nga ba ang sibling rivalry? Paano ito nagsisimula at paano ito maiiwasan?

Ang sibling rivalry o hidwaan ng magkakapatid sa loob ng pamilya ay normal at bahagi ng buhay ng isang pamilya. Makikita ito sa pamilyang Pilipino. Ayon kay Dr. Eduardo Caligner, isang guidance counselor at psychologist, bahagi ang sibling rivalry sa paglaki ng magkakapatid, bahagi ng buhay sapagkat sa hidwaan o alitan may natutunan din sila: natututo silang makipag-negotiate, maaari silang matuto ng pakikipag-compromise, maaari silang matuto ng conflict management. Madalas, kailangan ang pagkakaroon ng hidwaan or conflict.

Maaring maging healthy ang sibling rivalry ngunit kapag hindi napuna o napansin ng mga magulang, maaaring ma-reinforce at maging mas negatibo ang epekto nito sa mga magkakapatid.

Madalas na nagkakaroon ng hidwaan ang magkapatid na belonging to the same age level or psychological stage. Halimbawa ang apat na taon at ang limang taon: magkakapareho sila ng mga psychological needs, kaya sa isang pamilya, kung ano ang bibilhin ng nanay sa kanyang isang anak, kailangang bibilhan din niya ang isa pa niyang anak. Kung magkalayo ang agwat ng kanilang edad, hindi masyadong halata or maigting, pero kapag magkalapit, kapuna-puna.

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng sibling rivalry dapat ay mas maging sensitibo ang mga magulang sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Bigyan ito ng pantay-pantay na atensyon at papuri upang hindi sila pag-isipan na mayroong favoritism. Isa ang favoritism sa nagiging dahilan ng rivalry sa pamilya. Mapupuna na lutang na lutang sa lower class ng isang pamilya ang favoritism, kung sino ang mas productive na anak ay mas napapaboran at kung sino ang mas magaling, mas matalino, mas napupuri at nabibigyan ng atensyon. Sa ganitong pagkakataon nagkakaroon ng inggit at resentment at ang pagpapahayag nito ay sa paraan ng galit.

Tandaan na ang bawat bata ay nangangailangan ng sapat na atensyon at pagmamahal at iba-iba ang paraan ng pagpapahayag nila o paghingi nila ng pagmamahal. Mahalagang kilala ng mga magulang ang kanilang mga anak upang maibigay nila ang atensyon at pagmamahal na hinahanap ng mga bata.

Thursday, September 1, 2011

Tamang Pagtuturo kay Baby sa paggamit ng Banyo


Mahalagang murang edad pa lamang ay dapat turuan na ang mga bata sa tamang paggamit ng banyo sa ganitong paraan ay matuturuan na rin silang huwag nang gumamit ng diaper at malaking tipid na rin ito sa araw-araw na gastusin.

Walang tamang edad kung kailan dapat umpisahan na turuan ang mga bata kung paano gamitin ang banyo. Karamihan sa mga bata ay nag-uumpisang magpapakita ng mga palatandaan ng pagiging handa sa humigit-kumulang na edad 2 taong. Sa edad 3 o 4 karamihan sa mga bata ay may kontrol na sa maghapon marunong nang magsabi sa magulang kung sila ay iihi o dudumi.

Mga palatandaan upang malaman kung handa nang turuan ang mga bata sa paggamit ng banyo. Una ay kung kaya na nilang sumunod sa mga simpleng direksiyon, nananatiling tuyo nang hindi kukulangin sa 2 oras sa bawa’t pagkakataon at habang naka-idlip. Marunong na silang magbaba at magtaas ng kanilang salwal. Marunong na ring magsabi kung marumi o basa na ang kanilang salwal.

Bilang pag-uumpisa ay dapat ay ipaliwanag ng mabuti sa bata ang layunin ng inyong gagawin. Gawin ito sa mahinahon na paraan, tandaaan na ang pagtuturong ito ay nangangailangan ng panahon at maraming pagmamahal. Ipakita sa inyong anak ang dapat gawin sa banyo. Madaling matututo ang bata sa pamamagitan ng panonood. Ang mga bata ay dapat mapakitaan ng dapat gawin sa banyo ng isang taong may kaparehong kasarian.

Pumili ng mga salita na gagamitin para sa mga parte ng katawan, pag-ihi at pagdumi. Iwasan ang mga salita gaya ng marumi o mabaho dahil ang mga ito ay maaaring magdulot ng kahihiyan sa kanila. Gumamit ng potty chair sapagka’t ang mga maliliit na bata ay nakakagamit ng potty chair nang mas madali at ang kanilang mga paa ay naaabot ang sahig.

Tulungan ang inyong mga anak na malaman kung oras na para gamitin ang banyo. Ang mga bata ay maaaring mag-ingay, umupo, mamula, o humintong maglaro. Sabihin sa kanila ang mga palatandaan na oras na upang pumunta sa banyo.

Gawin ang pagpunta sa banyo ng parehong oras sa bawa’t araw: Halimbawa na lamang ay tuwing bago matulog sa gabi at pagkagising sa umaga, ganon din bago at matapos ang mga pag-idlip.

Wednesday, March 16, 2011

Earth Hour 2011

Muling makiisa sa muling pagdiriwang ng Earth Hour sa bansa na gaganapin sa Marso 26, 2011, araw ng Sabado. Hinihikayat ang lahat sa pagpapatay ng lahat ng kagamitang pinatatakbo ng kuryente gaya ng ilaw, telebisyon, electric fan, refrigirator at iba pa sa loob ng isang oras, mula sa ganap na ika-8:30 hanggang ika-9:30 ng gabi.

Ang Earth Hour ay isang pandaigdigang kaganapan sa pamumuno ng World Wide Fund for Nature o WWF. Layuning ng WWF na maitaas ang antas ng kamalayan ng lahat sa halaga ng pagkakaroon ng tamang aksyon na may kaugnayan sa pagbabago ng kalalagayan ng kapaligiran o climate change.

Nagsimula ang isang oras ng pagpapatay ng ilaw noong 2007 sa Sydney Australia na may humigit-kumulang na 2.2-milyong mamamayan. Mahigit sa 2,000 mga bahay at establimiyento ay sabay-sabay na pinatay ang kanilang mga ilaw sa loob ng isang oras, na ng sumunod na taon, ang pagpapatay ng ilaw ay naging isang pandaigdigang kaganapan ng sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw na tinatayang nilahukan ng maging sa 50-milyong katao mula sa 35 lumahok na bansa.

Naitala noong nakaraang taon ang may pinakamaraming bilang ng mga bansa na nakiisa sa naturang aktibidad na may layuning labanan ang climate change sa mundo. At ngayon ay patuloy na nanghihimok ang mga global event organizers ng bansang nais na makilahok sa nasabing kaganapan.

Panahon na upang magising ang lahat sa masamang maaring idulot ng climate change sa mundo. Mahalagang bigyan natin ng halaga ang mundong ating ginagalawan, makiisa tayo at isabuhay ang mga ito. Isang mundong malusog, isang mundong puno ng buhay, isang mundong para rin sa ating kinabukasan.

Wednesday, February 16, 2011

Kahalagahan ng New Born Screening sa sanggol

Para makasiguradong healthy si baby ipa-Newborn screening sila na isinasagawa mula ika-48 oras o kaya ay pagkalipas ng 24 oras pagkapanganak. Ang ibang disorders ay hindi agad nade-detect kung ang pagsusuri ay ginawa ng mas maaga sa unang 24 oras.. Ngunit ano nga ba ang Newborn Screening o NBS. Ang NBS ay isang procedure na ginagawa matapos isilang ang sanggol upang malaman kung mayroon sila ng anuman sa limang congenital metabolic disorder o kondisyon buhat ng pagkapanganak na nakakaapekto sa pagproseso at pagtunaw ng katawan sa iba't ibang compound ng pagkain. Ang prosesong ito ay proramang ito pinangangasiwaan ng Kagawaran ng Kalusugan na siya namang naisabatas ang Newborn Screening Act of 2004 para itatag ang isang pambansang sistema at gawing patakaran ang pagsasagawa ng NBS sa bawat sanggol na ipinapanganak sa Pilipinas.
Isinasagawa ang NBS sa pamamagitan ng pagkuha ng ilang patak ng dugo o heel prick method, o pagkuha ng blood sample ng sanggol mula sa kanyang talampakan. Ilalagay ang ilang patak ng dugo sa isang special absorbent filter card at patutuyuin ng apat na oras. Ipapadala ito sa isang NBS laboratory upang alamin kung positibo ang sanggol sa ilang kondisyong medikal.
Sa pamamagitan ng NBS maari nang malaman kung mayroong congenital metabolic disorder ang mga bagong panganak na sanggol. Ang limang sakit o kondisyong medikal ang nadedetect sa pamamagitan ng NBS ay ang mga sumusunod: Ang mga ito ay congenital hypothyroidism (CH), o kakulangan ng thyroid hormones na kailangan para sa pagdevelop ng utak at katawan ng sanggol; congenital adrenal hyperplasia (CAH), o endocrine disorder na nagdudulot ng kakulangan ng asin at matinding dehydration; galactosemia (GAL), o kawalan ng kakayahang iproseso ang galactose; phenylketonuria (PKU), na isang metabolic disorder o kawalan ng kakayahang iproseso ang amino acid phenylalanine; at Glucose-6-Phosphate Dehydrogenase Deficiency (G6PD Def), o ang kakulangan ng enzyme na G6PD na nauuwi sa malalang kaso ng anemia.
Ang limang ito ay pawang mga sakit na walang sintomas sa bagong panganak na sanggol, kaya ang NBS lamang ang tanging paraan upang maagapan ang mga nabanngit na sakit. Magiging huli na ang lahat kung aantayin pang maramdaman ang mga sintomas kapag hindi nagsagawa ng NBS. Sa kabilang banda, kapag na-detect kaagad ng Newborn Screening, may mga pagbabago sa pagkain o pagbibigay na gamot (Thyroid hormone para sa CAH) na maaaring makapag-ligtas ng buhay at maka-iwas sa mga masasamang epekto mula sa kondisyon na ito.
Ang NBS ay isinasagawa sa mga ospital, lying-in clinics, Rural Health Units at health centers. Dahil buhay ng sanggol ang nakataya rito, ang NBS ay dapat na isagawa ng mga sinanay na health professionals gaya ng mga doctors, nurses, midwives at medical technologists.
Huwag isawalang bahala ang pagpapa-Newborn Screening sa inyong mga sanggol upang sila ay makaiwas sa kamatayan o kapansanan na maaari namang maiwasan.

Wednesday, February 9, 2011

Expanded Senior Citizens Act of 2010

Halos isang taon matapos pirmahan ni dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 ay marami pa rin sa ating mga lolo at lola na nasa edad 60 pataas ang hindi nakakaalam sa kanilang mga karapatan bilang senior citizen. Ang Batas Republika 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 ay isang batas na nagbibigay ng karagdagang mga benepisyo at pribilehiyo sa mga elders.
Ilan sa mga benepisyong nakapaloob sa nabanggit na batas ay ang full 20 percent discount ang mga senior citizens sa pagkain, gamot, professional fees kagaya ng doktor at ospital, pamasahe, panonood ng sine, discount sa electricity at water bill at makakatanggap ng monthly allowance na P500. Kapag may mga promo, ang ating mga elders ay maaaring makuha ang anumang promo o ang 20% diskwento, anuman ang mas mataas sa mga ito.
Ang mga senior citizen ay may VAT exemption din sa mga transportasyon gaya ng eroplano, barko at tren, hotel, restaurant. Bukod sa VAT exemption, maaari rin makatanggap ang mga senior citizen ng libreng bakuna laban sa influenza virus at pneumococcal disease, mga serbisyong medikal at dental at mga pagsusuri mula sa mga pampublikong ospital at pasilidad.
Kung sa mga senior citizen nakapangalan ang bill sa kuryente at tubig ay makakatanngap din sila ng limang porsyentong diskwento. Ang konsumo sa kuryente ay hindi dapat tataas sa 100 kilowatt hours, at 30 cubic meters naman para sa konsumo sa tubig.
Ang mga ilan pang pribilehiyong isasakatuparan ng batas ay ang pagbibigay ng P500 buwanang pensyon sa mga mahihirap na senior citizen, pagbibigay ng P2,000 na tulong sa pinakamalapit na kamag-anak ng namatay na senior citizen at pag-eexempt sa buwis sa isang senior citizen na kumikita ng minimum wage.