Sa paghihiwalay ng mga magulang, hindi maikakailang ang pangunahing nasasaktan at naaapektuhan ay ang kanilang mga anak. Kung kaya’t mahalagang pag-isipan at pag-aralan munang mabuti ng mga magulang ang bawat hakbang na kanilang gagawin bago tuluyang maghiwalay ng landas.
Upang hindi masyadong masaktan at tuluyang maapektuhan ang mga bata makakabuting isaalang-alang ang mga sumusunod na paraan. Unang-una ay iwasang magtalo o magsigawan sa harapan ng mga bata. Huwag na huwag din siraan ang naging kabiyak sa mga kaibigan o kapamilya lalo na sa pagkakataong naririnig ng mga bata. Isipin na kapag inyong siniraan ang iyong dating kapareha sa harap ng bata ay maaring magbago ang tingin nila sa kanilang mga magulang. Makakabuti din na huwag silang paasahin sa mga bagay na alam ninyong mag-asawa na hindi na muling mangyayari.
Hangga’t maari ay huwag idamay ang inyong mga anak sa pag-aaway. Tandaan na anumang problemang inyong kinakaharap ay hindi mareresolba sa pamamagitan ng pagtatalo. Hindi kailangan marinig ng mga bata ang bawat pagtatalo o pagpapalitan ng masasamang salita ng kanilang mga magulang.
Hindi dapat sapilitang pinapapili ang mga bata kugn kanino sila sasama o kung sino ang dapat nilang kampihan. Wala silang dapat na piliin o kampihan. Hindi rin dapat itanong kung sino ang mas matimbang o kanilang mas mahal sapagka’t napakasakit para sa isang bata lalo na yung mga nasa murang edad ang magdesisyon ukol sa mga ganong bagay.
Panatilling bukas sa pakikipag-ayos sa kabiyak. Pag-usapang mabuti ang schedule ng mga bata upang madali rin silang makapag-adjust sa mga pagbabagong magaganap sa inyong pamilya. Iwasan ding magkwento sa mga bata ng dahilang ng paghihiwalay. Maari lamang itong makaapekto at makasakit sa kanilang damdamin.
Ngunit walang mas hahalaga sa mga nabanggit na paraang upang hindi maapektuhan ang mga bata sa hiwalayan ng kanilang mga magulang sa pagbubukas ng isip at puso sa posibilidad na maaring ayusin at gamutin ang mga sugat na dinulot ng anumang hindi pagkakaunawaan.
Monday, November 23, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)