Monday, November 23, 2009

Broken Family: Pagsaalang-alang sa mga anak

Sa paghihiwalay ng mga magulang, hindi maikakailang ang pangunahing nasasaktan at naaapektuhan ay ang kanilang mga anak. Kung kaya’t mahalagang pag-isipan at pag-aralan munang mabuti ng mga magulang ang bawat hakbang na kanilang gagawin bago tuluyang maghiwalay ng landas.

Upang hindi masyadong masaktan at tuluyang maapektuhan ang mga bata makakabuting isaalang-alang ang mga sumusunod na paraan. Unang-una ay iwasang magtalo o magsigawan sa harapan ng mga bata. Huwag na huwag din siraan ang naging kabiyak sa mga kaibigan o kapamilya lalo na sa pagkakataong naririnig ng mga bata. Isipin na kapag inyong siniraan ang iyong dating kapareha sa harap ng bata ay maaring magbago ang tingin nila sa kanilang mga magulang. Makakabuti din na huwag silang paasahin sa mga bagay na alam ninyong mag-asawa na hindi na muling mangyayari.

Hangga’t maari ay huwag idamay ang inyong mga anak sa pag-aaway. Tandaan na anumang problemang inyong kinakaharap ay hindi mareresolba sa pamamagitan ng pagtatalo. Hindi kailangan marinig ng mga bata ang bawat pagtatalo o pagpapalitan ng masasamang salita ng kanilang mga magulang.

Hindi dapat sapilitang pinapapili ang mga bata kugn kanino sila sasama o kung sino ang dapat nilang kampihan. Wala silang dapat na piliin o kampihan. Hindi rin dapat itanong kung sino ang mas matimbang o kanilang mas mahal sapagka’t napakasakit para sa isang bata lalo na yung mga nasa murang edad ang magdesisyon ukol sa mga ganong bagay.

Panatilling bukas sa pakikipag-ayos sa kabiyak. Pag-usapang mabuti ang schedule ng mga bata upang madali rin silang makapag-adjust sa mga pagbabagong magaganap sa inyong pamilya. Iwasan ding magkwento sa mga bata ng dahilang ng paghihiwalay. Maari lamang itong makaapekto at makasakit sa kanilang damdamin.

Ngunit walang mas hahalaga sa mga nabanggit na paraang upang hindi maapektuhan ang mga bata sa hiwalayan ng kanilang mga magulang sa pagbubukas ng isip at puso sa posibilidad na maaring ayusin at gamutin ang mga sugat na dinulot ng anumang hindi pagkakaunawaan.

Wednesday, September 23, 2009

Suicide: Solusyon ba sa problema ng kabataan?

Noon ang pagtatangkang pagkitil sa sariling buhay ay masasabing hindi masama sapagka’t isa itong tradisyon kung saan ay nagsasakripisyo ang isang tao upang ipagtanggol ang kinabibilangan niyang tribo.

Ngunit sa kasalukuyan ay may mga naniniwala na ang pagpapakamatay o pagkitil ng sariling buhay ay isa sa pinakamabisang paraan upang takasan ang mga problema sa buhay Ang mga kabataan o teenager ang may mas malaking bilang ng pagpapatiwakal. Ngunit ano nga ba ang karaniwang nilang dahilan kung bakit kailangan nilang wakasan ang kanilang sariling buhay.

Ayon sa pag-aaral ilan sa mga pangunahing dahilan ng suicide ng kabataan ay ang problema sa sarili, sa paaralan at pamilya. Madalas silang nakakaranas ng stress o pagkalito sa mga bagay na kanilang pinagdadaanan. Ang pagkabigo sa pag-ibig ay malaking ring dahilan upang tapusin ang kanilang buhay. Maaring hindi nila matanggap ang kabiguang nararamdaman dulot ng pagiging broken hearted.

Isa ring dahilan ng pagpapakamatay ang problema sa paaralan. Dahil sa malaking takot ng mga bata sa kanilang mga magulang ay mas pinipili nilang tapusin ang sarili nilang buhay kaysa ipaalam sa magulang ang problemang kinahaharap sa paaralan.

Para sa ilang kabataan naman, malaking epekto ang problema sa pamilya lalo na ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Nakakapagdulot din ng stress para sa kanila ang pagkakaroon ng pangalawang magulang at mga kapatid.

Laging tatandaan na hindi sagot sa anumang suliranin ang pagkitil sa sariling buhay. Ito ay mariing tinututulan ng simbahan sapagka’t ang pagpapakamatay ay pinaniniwalaang isang malaking kasalanan sa Diyos. Tandaan na ang ating buhay ay ipinahiram lamang sa atin ng Panginoon kung kaya’t walang sinuman ang may karapatan na kitilin ito maging tayo pa mismo.

Monday, March 23, 2009

Earth Hour 2009

Ngayong Marso 28, 2009 itinakda ang pandaigdigang pagdiriwang ng “Earth Hour” kung saan hinihikayat ang publiko na makilahok ngayong Sabado, Marso 28, 2009, sa isang oras na pagpatay ng ilaw o kuryente sa mga kabahayan at opisina bilang simbolo sa paglaban sa hinaharap na problema ng ating bansa maging ng buong planeta, ang climate change.

Sa gaganaping Earth Hour, hinihikayat ang lahat na patayin ang ilaw at lahat ng electrical appliances simula alas-8:30 ng gabi hanggang alas-9:30.

Maliban sa pagtitipid, ito ay isang kampanya upang maipahatid sa lahat ng Pilipino at sa buong mundo ang mensahe ng Global Warming at kung paano tayo bilang isang ordinaryong mamamayan ng Rizal makakatulong sa pagligtas sa naka-ambang panganib sa ating planeta.
Nagsimula ang isang oras ng pagpapatay ng ilaw noong 2007 sa Sydney Australia sa pangunguna ng World Wilflife Fund (WWF). At ngayon ito ay naging isang pangunahing pandaigdigang pagkukusa upang labanan ang pagbabago ng klima. Noong nakaraang taon umano ay umaabot sa isang milyong Pinoy ang nagpatay ng kanilang mga ilaw na kung saan nakapagtipid ng 54 megawatts ng energy.
Layunin ng Department of Energy na makiisa ang 10 milyong katao sa Pilipinas habang target naman ang isang bilyong tao sa buong mundo. Kaya ngayong Sabado ay sabay-sabay nating patayin an gating mga ilaw

Thursday, January 29, 2009

Andropause

Kasabay ng pagtanda ay ang hindi maipaliwag na pagbabago sa katawan ng isang babae at lalaki, isang halimbawa nito ay ang pagkabawas ng kakayahan ng gonads ni Eba at Adan na tinatawag na andropause para sa mga lalaki at menopause naman para sa mga kababaihan.



Kapag hindi na nagkakaroon ng regla ang isang babae, siya ay nasa menopausal period na. Nagaganap ang yugtong ito sa mga babae dahil sa kawalan ng estrogen.
Lingid sa kaalaman ng ilan na maging ang mga lalaki ay nagme-menopause din. Ang yugtong ito ay tinatawag na andropause. Ang andropause ay dulot ng kawalan ng hormone na tinatawag na androgen. Ito ay ang dahan-dahang panghihina ng kakayahan gonads ng isang lalaki na maaring dulot ng pagtanda na nagiging sanhi ng hypogonadism o partial androgen deficiency. Walang eksaktong edad ang andropause, subalit nakita sa mga pag-aaral na nagsisimula ang pagbaba ng hormone na androgen sa edad na 30 taon. Ang impormasyon ukol sa paggamit ng sigarilyo, pag-inom alak, paggamit ng iba’t ibang gamot gaya ng opiates, steroid, ferrous sulfate, androgen therapy, estrogen, bromocriptine, para sa kombulsyon o anti-epileptics,iay kabilang din sa mahalagang kaalaman na maaaring makaapekto sa pagkakaroon ng hypogonadism.
Gaya ng mga babae na nagme-menopause, ang mga kalalakihang nasa ganitong kalagayan ay mayroon ding mga hot flashes at palaging nayayamot, nababagot at bigla na lamang umiinit ang ulo. Ang ilan pang sintomas ng adropause ay ang pagkakaroon ng mababang enerhiya o lakas, pagkabawas ng kaligayahan sa buhay o nagiging malungkutin, pagkabawas sa pagnanasa sa pakikipagtalik, hirap matulog, bugnutin at malungkutin.
Mapapansin din na ang mga lalaking nasa ganitong yugto ng kanilang buhay ay hindi mapalagay at parang may kung anong bagay na gumugulo sa kanilang isipan. Kadalasang hindi makatulog sa gabi o pagkakaroon ng insomnia. Apektado din ang kanilang memorya at hindi sila gaanong nakakapag-concentrate. Nagiging makalilimutin sila at may mga pagkakataong hindi nila matandaan ang pangalan ng mga kapamilya at maging ang address ng kanilang bahay.